
Ang “unconditional election” ay tumutukoy sa ginawang pagpili, paghirang at kaukulang pagtawag ng Diyos sa lahat ng kanyang mga tupa. Ang mga ito ay tinatawag na “elect” o “pinili”. Ayon sa doktrina ng “Total Depravity” ang tao ay patay sa kaniyang kasalanan at walang kakayanan na ibigin ang Diyos. Kung wala kahit isang tao na may kakayanang umibig sa Diyos, papaano sila maliligtas? Sa ilalim ng doktrina ng “Unconditional Election” ay ipinapakita na ang pagpili at pagliligtas ay ginagawa ng Diyos ng naaayon sa sarili niyang kalooban. Ito ay kaniyang sinisimulan at hindi nakadepende sa kakayanan o desisyon ng tao. Kaya tinatawag itong “unconditional” ay dahil wala itong kondisyon na hinihingi sa tao. Ang buong desisyon ay nagmumula sa Diyos.
Ang basehan ng “Unconditional Election”:
1. Mga basehan mula sa Kasulatan:
“Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan.” Mga Gawa 13:48
Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, “Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata.” Gaya ng nasusulat, “Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman.” Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang-katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat sinasabi niya kay Moises, “Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.” Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos. Roma 9:11-16
Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan, ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal. Efeso 1:3-6
Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo. Juan 15:16
At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin. Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid; at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya. Roma 8:28-30
Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos, na ipinanganak hindi sa dugo, o sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos. Juan 1:12-13
Iba pang mga talata: Mark 13:20; Revelation 13:8; Revelation 17:8, 1 Corinthians 1:27-29; 2 Timothy 1:9; John 6:39; 1 Peter 2:7-10
Malinaw sa kasulatan na ang Diyos ay pumili at nagtalaga noong simula palang.
RC Sproul: “Itinuturo natin ang pagtatalaga ng Diyos sapagkat ito ay tinuturo ng bibliya. Kung nais nating ibase sa Bibliya ang ating teolohiya ay haharapin natin ang doktrinang ito.”
2. Maari ring tignan ang mga pagbati ng mga apostol sa mga iglesya at kristiyano:
Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan, Titus 1:1
i Pedro, na apostol ni Jesu-Cristo, Sa mga hinirang na nangingibang-bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia, pinili at itinalaga ng Diyos Ama, at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo: Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana. 1 Pedro 1:1-2
Binabati kayo ng babaing nasa Babilonia, na kasama ninyong hinirang, at ni Marcos na aking anak. 1 Pedro 5:13
Ang matanda, sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan, 2 Juan 1:1
Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo. 2 Juan 1:13
Maski sa simpleng pagbati ng mga apostol sa mga kristiyano ay makikitang tinatratong silang “hinirang” o “pinili” ng Panginoon.
3. Ang salitang “Iglesya” (Ekklesia)
Gingamit sa bibliya ang salitang “Ekklesia” upang tukuyin ang mga mananampalataya. Ang ibig sabihin ng salitang ito ay “called-out assembly” o lupon ng mga tinawag o hinirang at ihiniwalay sa sanlibutan. Maging sa salitang ito na ginagamit sa mga kristyano ay naroon ang “pagtawag”.
Ngunit kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag. 1 Pedro 2:9
Maling pagtuturo tungkol sa Election:
Ang mga hindi naniniwala sa “Unconditional Election” ay tinuturo ang doktrinang “Conditional Election”. Sa pananaw na ito, sa simula pa lang ay nabatid na ng Panginoon kung sino ang mga tatanggap sa kaniya, at dahil sa kundisyong ito ng pagtanggap sa kaniya ay Kaniya naman silang pinili. Sa huli ang pagpili sa kanila ay dahil sa kanila pa ring pagtanggap. Hindi natin tinatanggap ang pagtuturo na ito sapagkat:
·Malinaw sa mga kasulatan na ang pagpili ay hindi naaayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos (Roma 9:11-16).
Ang salitang “foreknew” ay hindi tumutukoy sa pagkakakita ng Diyos sa kung sino ang tatanggap sa kanya. Upang maging ganito ang ibig sabihin ng Romans 8:28-30 ay kinakailangan dagdagan ang teksto. Sa halip ang tamang pagsalin ng “foreknew” ay bilang “pagkilala”.
Mga sagot at paglilinaw sa mga katanungan tungkol sa “Unconditional Election”
1. Hindi ba’t hindi nagiging patas ang Diyos kung siya ang pipili, o parang “unfair” ito?
Marami ang nagsasabi na hindi-patas kung ang Diyos mismo ang mamimili o hihirang ng kanyang mga ililigtas. Ito ay tinalakay mismo ni Pablo sa Romans 9:
Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit? Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya na inihanda para sa pagkawasak; upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan, na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian, maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? Dito ay ipinapakita ni Pablo na may karapatang ang Diyos na mamili bilang nag mamay-ari sa lahat ng nilikha.
Ang malinaw na katotohanan sa bibliya ay ang lahat ng tao ay nagkasala at nararapat na mabigyan ng walang hanggang kaparusahan. Ito ang matatawag na patas. Kung ang Diyos man ay niloob na magbigay ng biyaya sa kaniyang mga pinili ay hindi ibig sabihin na hindi siya nagiging patas sa mga taong mapapahamak. Sa Luke 16 ay may mga tao na ipinapatay ni Pilato at hinalo ang kanilang dugo sa templo. Gayun din ay may ilang namatay dahil nabagsakan ng isang gusali. Ito ang sinabi ni Jesus tungkol dito:
At sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila. O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila.”
Ipinakita dito ni Kristo na hindi “unfair” ang mga nangyari sa kanila sapagkat ito ay nararapat lang para sa lahat ng tao. Kung magiging patas ang Diyos ang lahat ay dapat danasin ang ganito. Mas kailangan natin ang biyaya at hindi ang “fairness”.
2. Papaano kung ang isang tao ay nais maligtas ngunit hindi siya pinili?
Hindi itinuturo ng doktrina ng “Unconditional Election” na magkakaroon ng mga pinili na ayaw nila o magkakaroon ng mga gustong maligtas ngunit hindi pinili. Malinaw sa doktrina ng Total Depravity na ang lahat ay aayaw sa Diyos at walang maghahanap sa kaniya kahit isa. Ang isang pinili ay bibigyan ng Diyos ng buhay spiritwal na nanaisin sumunod sa kaniya. Kung kaya ang pagnanais ng tao na maligtas at sumunod sa Diyos ay pagpapatunay ng pagpili sa Kaniya, sapagkat hindi ito kayang gawin ng mga hindi pinili. Sa kabilang banda ang lahat ng pinili ay babaguhin ng Diyos at bibigyan ng puso na magpapasakop sa Kaniya, kaya’t hindi maaaring may mga taong mapunta sa langit na ayaw don.
This lesson can be downloaded here.