top of page

Hustisya At Pag-ibig


Noong unang panahon may isang pinuno ng tribo na tanyag sa matipuno nyang pangangatawan, dunong ng pag-iisip, at taglay na ibayong pag-ibig sa mga taong nasasakupan. Upang mapanatili ang kaayusan ay gumawa sya ng mga batas na syang magiging gabay ng mga tao sa kanilang pamumuhay. Ang pinunong ito ay naging tapat sa pagpapatupad ng mga batas.

Hanggang isang araw ay may nagnakaw sa kanyang nasasakupan. Agad nyang pinatawag ang buong tribo. “Alam nyo na ang batas ay para sa kaayusan ng ating nayon”, malungkot nyang sabi. “Kailangang mapigil ito. Sapat naman ang ating pangangailangan. Dadagdagan natin ang kaukulang parusa sa pagnanakaw mula sa dating 10 latay ay 20 na ngayon.

Ngunit nagpatuloy pa rin ang pagnanakaw.

“Pakinggan nyo ako”, hiling ng pinuno. “Kailangang mapigil ito. Dagdagan ang parusa na dati ay 20 na latay upang maging 30 na ngayon.” Napakabigat ng damdamin ng pinuno dahil sa matindi nyang pag-ibig sa mga taong nasasakupan. Nalulungkot sya na may nangyayaring kasamaan sa kalagitnaan ng kanyang tribo.

At nagpatuloy pa rin ang pagnanakaw.

“Nagsusumamo ako. Kailangan ng matigil ito. Malaki na ang pinsalang naidulot nito sa atin”. Sinabi nya ito na puno ng kalungkutan. At ang parusa ay nadagdagan mula sa 30 ay naging 40 na ngayon. Napansin din ng lahat ang nangingilid na luha ng kanilang pinuno matapos ang pagtitipon.

Sa wakas ay nahuli din ang may sala. Nang dinala ng mga kawal ang salarin ay nagulat lahat ng makita na ang may sala ay ang anak mismo ng pinuno.

Nag-alangan ang mga tao kung itutuloy ng pinuno ang parusa. Alam ng lahat na dapat ipatupad ang mga batas at napakatapat dito ng kanilang pinuno. Ngunit alam din ng lahat na labis ang pag-ibig nito sa kanyang anak. Magwawagi ba ang pagsunod nya sa batas o ang pag-ibig nya sa anak?

Sa wakas ay nagsalita ang pinuno, “Mga kababayan ko, ito ay para sa ating seguridad at katahimikan. Kailangang ituloy ang parusa. Naging malaki ang pinsalang idinulot sa ating lahat ng krimen na ito.” Iniutos ng pinuno na ituloy ang parusa kahit na labag ito sa kalooban. Inilabas ang likod ng kanyang anak, lumapit ang kawal na may dala ng latigo at hinugot ito.

Sa pagkakataong ito ay lumapit ang pinuno sa kanyang anak. Tinanggal nya ang sariling pantaas at niyakap ang anak upang protektahan ang katawan nito. Bumulong siya sa kanyang anak, at habang naghahalo ang kanilang luha tumango sya sa kawal at sinabing ituloy ang parusa. Humagupit ng humagupit ang latigo sa kanyang likuran.

Isang pagkakataon kung saan nagtagpo ang hustisya at pag-ibig.

48 views0 comments

Recent Posts

See All
bottom of page